Movie Recall*: Can This Be Love ;)

Can This Be Love 😉 (2005)

Starring: Hero Angeles & Sandara Park
Directed By: Jose Javier Reyes
Nationality: Pinoy!

Masaya rin manood ng mga pelikulang napanood mo na dati. Kasi may dalawang posibleng mangyari: Mas-magugustuhan mo sila kaysa nung una mong napanood, o mas-aayawin mo sila kaysa nung una mo silang napanood. Para sa pelikulang ito, para sa’kin, mas-nagustuhan ko siya.

Akalain mong maganda pala talaga ang pagkagawa nito. Hindi ko naman sinasabing ‘di na’ko sang-ayon sa dati kong isinulat tungkol dito, pero matapos ko ‘tong panoorin ulit, at basahin ulit ‘yung nasulat kong review, sa tingin ko, masyado akong harsh na mag-judge dati. O kaya naman, mas-marami na lang akong napanood na pelikula mula nun kasi, kaya medyo nag-iba na ang opinyon ko ngayon.

Kung dati, sinasabi ko na sayang lang at nagbukas sila ng mga problemang hindi naman nila nabigyan ng resolution sa dulo, tulad ng side-story nila Jed (Joross Gamboa) at Bebs (Roxanne Guinoo) (na sa tingin ko pa rin ‘eh isiningit lang para lang masali sila sa pelikula dahil sila naman talaga ang kasabay nila Hero at Sandara na sumikat). Ang problema kasi nila ‘eh si Jed, gustong magpuntang Japan para magtrabaho, pero siyempre ‘yung girlfriend niyang si Bebs, ayaw siyang paalisin ng Pilipinas. Nung una, nainis pa’ko dahil hindi ko nalaman kung nagpunta pa rin ba si Jed sa Japan matapos ang lahat. Pero ngayon naisip ko, hindi na kailangan ‘yun. Ibig kong sabihin, hindi ko na kailangan malaman kung anong ending ng kwento nila, dahil ang relevant talaga ‘dun sa pangyayaring ‘yon, ‘eh ‘yung pag-uusap ni Ryan (Hero Angeles) at Bebs matapos ang mga kaguluhan:

“Pupunta siya ng Japan hindi pa iwanan ka, kundi para pagandahin ang buhay niya.” – Ryan, Can This Be Love

Kailangan kasi nung pelikula ‘yung linyang ‘yun para ipakita rin na ‘yung mga umaalis ng Pilipinas, hindi naman talaga para iwanan ‘yung mga mahal nila dito, pero para lang magkaroon ng mga ibang opportunities, para malaman na rin kung ano pang mayroon para sa kanila na wala dito sa kinalakhan nila, sa kinasanayan nila.

Naisip ko rin dati na hindi malinaw kung ang mensahe ba nung storya ‘eh kung mas-mabuti bang umalis ng Pilipinas ang mga Pilipino, o kung mas-okey na manatili na lang rito. Pero matapos ko siyang panoorin ulit ngayon, parang mas-okey nga na hindi malinaw ‘yung ganung mensahe, kasi nasa tao na lang talaga ‘yun kung anong gusto niyang gawin sa buhay niya. Ang ginawa lang ng pelikula ay ipinakita kung anong kalagayan ng Pilipinas sa ganitong panahon na halos lahat ay nagpupumilit nang umalis para makapagtrabaho sa ibang bansa. Ang totoo, medyo mas-nagutsuhan ko pa nga na walang kumbaga “thesis statement” ‘yung pelikula kung alin ang mas-maganda, dahil minsan nakakainis rin kapag halata mong ang isang kwento ay may ipinipilit na ideya o kaya “mentality” sa audience nito.

Ang isang hindi nagbago para sa’kin, ay ‘yung kagustuhan ko sa pagkaka-ayos nung kwento– ‘yung flashback lang ang lahat at sa gitna ng mga eksena ‘eh may ipapakita silang isang bagay (kunwari, salamin, o kaya plane ticket) para masimulan ang sunod na yugto ng kwento. At sobrang gusto ko pa rin kung paano nila tinapos ang kwento nila Ryan at Daisy (Sandara Park)– ‘yun bang, hindi na masyadong explicit, walang arte-arte. At *SPOILER ALERT* bagama’t nauwi pa rin sa kasalan pagdating sa huli (dahil halos lahat ng pelikulang Tagalog na may love story ay ‘yun ang ending), masaya ako na hindi na nagkaroon pa ng eksenang nasa simbahan ang dalawang bida at ang buong cast ay naka-formal attire. Nagustuhan ko talaga ang ending nito. Masasabi ko sa ngayon na ito na ‘yung pinaka-gusto kong “style” ng ending sa lahat ng mga Tagalog movies na napanood ko na love story.

Medyo nalulungkot lang akong isipin na ang tambalang Hero-Sandara ay hindi na mauulit. Hindi naman ako sobrang fan na fan nila, pero tuwing nakakarinig ako ng mga kwentong hiwalayan (kahit as friends, or as co-workers), at lalo na sa buhay ng mga artista, nalulungkot ako. Dahil alam kong ang pinakamalaking dahilan ay ang media. (Hindi lang naman kasi dito nangyayari ‘yan, pati sa Hollywood grabe kumilatis ng mga tao ang media ‘dun kaya naaawa ako minsan para sa mga artista.) At hindi rin ako naniniwala ‘dun sa sinasabi nilang dapat alam na ng mga artista na iintrigahin at iintrigahin sila dahil sikat sila kaya dapat alam na nila ‘yun. Para sa’kin, dapat alam din ng tao kung kailan dapat tumigil sa pag-iintriga, kasi minsan nakakasira na talaga sila ng buhay ng ibang tao, tapos para lang naman sa mataas na ratings sa isang gabi ‘yun. Ewan, ayoko nang pag-usapan ‘yan dahil feeling ko ‘eh wala na ‘yang katapusan. So, balik na lang ako sa pelikula…

Can This Be Love. Kahit pa masyadong maraming parang “social commentary” na mga linya at eksena, para sa isang pelikula na tungkol dapat sa pag-ibig, sa tingin ko ‘eh okay pa rin siya, dahil maganda rin naman pala ang pagka-pakita nila sa kung anong maaaring mangyari sa dalawang tao na mula sa magkaibang bansa, kultura, atbp. pero nagkataong ipinagkilala ng tadhana.

Kung napanood n’yo na ‘to dati, panoorin n’yo ulit. Masaya rin siyang balikan. At kung ‘di n’yo pa napanood, sana magustuhan n’yo. 🙂

*Movie Recall – Ito na pala ang itatawang ko sa mga “second reviews” o kaya ‘yung mga reviews ng pelikulang luma na pero kamakailan ko lang napanood.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s