Kahit pagod na pagod ka na, tuloy tuloy lang ang pagtulo ng luha. Kahit anong pilit, kahit anong pigil, kahit pa isinara mo na ang iyong mga mata, ‘di pa rin tumitigil, ‘di nauubos, ‘di nawawala.
Minsan naisip ko nang hindi uminom ng tubig o kahit anong likido sa isang araw, para malaman kung pagdating ng gabi ay wala na rin akong mailalabas. Hindi ba’t parte rin ng pagpapanatili ng kalusugan natin ang pagluha? Ito’y para malinis ang mga mata, at para na rin mailabas ang iba pang hindi kapaki-pakinabang na mga kemikal sa ating sistema. Dahil diyan, akala ko kapareho rin siya ng iba–parang pagkain ba, ‘yung kapag wala kang kainin, wala ka rin ilalabas. Pero mali ata. Dahil ang luha, kahit wala akong inumin, ‘eh lalabas pa rin at lalabas, hangga’t may naiiwang sama ng loob sa katawan.
Siguro, ang tanging paraan upang matigil ito ay ang pagpasaya sa sarili. Pero isa yata ‘yan sa mga pinakamahirap na gawain sa mundo. Paano ba maging masaya? Paano ba ubusin ang luha?
Kulang ang pagpagod sa sarili. Kahit pa gusto ko nang matulog minsan, kahit hilung-hilo na’ko kakanood ng mga telenovela para makatulog agad, sa tuwing hihiga ako sa kama, tila automatic na ang luha*. Hindi ko na napapansin minsan, sa totoo lang. Sa dalas na mangyari, parang normal na lang.
Gising, trabaho, kain, iyak, tulog. Gising, trabaho, kain, iyak, tulog.
Araw araw na lang.
Sana matapos na. Sana mawalan na’ko ng pag-asa. Sana maubusan na’ko ng luha.
*Rivermaya. (1997). Atomic Bomb: Elesi.
